Wednesday, November 18, 2009

para sa’yo

hindi mo na kailangang sabihin
kung kailan ako lalabas,
upang magbigay sa’yo nang init,
upang sabihin sa’yo
“mas higit pa doon ang kaya kong gawin”
-ngitian ang bawat ningas na masilayan-
at hindi kita matuturuang makibaka
at makigalaw
sa mga tulad kong minsan nang nadapa’t nasugatan
at muling bumabangon
bago pa ng sugat ay maghilom
hindi mo na rin kailangan ipaalala
kung kailan dapat
at tumigil sa paggawa
dahil ang araw ay unti unti nang lumulubog
sa kanyang kanlungan
bago pa dumating ang gabi
kahit wala ka pa
kahit wala ka na..

9.9.09

Tuesday, November 17, 2009

Iba’t ibang klase ng pasahero sa LRT…

PART 1

..para sa mga taong naniniwala na hindi ko na dapat isulat pa sa papel ang mga ideya ko, bukod sa malaki ang tyansya nitong mawala o ilathala ng iba.. maraming salamat..

Isang araw, nagkataon na maaga akong umalis ng bahay dahil na rin sa kaadikan ko sa tocino, oo dahil lang sa ‘tocino’.. ‘yon ay para maabutan ko ang breakfast meals na chicken tocino sa isang kilalang fastfood chain (na quick service restaurant na daw ngayon) na may mapulang mascot (na may dalawang antena sa ulo) na madalas kagiliwan ng mga bata. Mayroon din namang mga batang hindi nagigiliw (o natutuwa, parehas lang yun) sa mascot na nabanggit. Madalas, hindi ko din maisalarawan kung bakit ba natatakot at nagpupumiglas ang ilang mga bata sa tuwing ilalapit sila ng kanilang mag magulang o tagapag-alaga sa mascot na nabanggit samantala kapag nakakain na sila ng ispageti, pemprays at ayskrim dito ay parang mapapawi na lang bigla ang kanilang kalungkutan.

At doon nagsimula ang delubyo…

Limampung minuto lang naman ang nilalakad simula sa amin papuntang Blumentritt station. Araw araw na lang simula nung malipat ako sa branch office namin doon sa pinakamalaking mall ‘daw’ sa Asya, kailangan ko nang ikondisyon ang sarili ko na bukod sa paglalakad ay kailangan ko ding umakyat ng ilang hakbang sa hagdanan habang binabanggit ang oro-plata-mata upang malaman kung suwerte ba o malas ang pagkakagawa ng hagdanan. Umakyat na ako ng hagdanan at nagpainspeksyon ng bag sa emenguard (security guard), pumasok at naghintay ng tren. Alas otso y medya lang nun at talagang aabot pa ako sa chicken tocino ng fastfood na nabanggit.

Hindi ata ako swerte nung araw na yun, dahil kahit skip train na para sa Blumentritt station ang dumating, may mga nakasakay pa din. Ang lohika, para sa Abad Santos Station ang skip train at hindi sa Blumentritt.

Doon ako madalas sumakay sa pangatlong tren, dun sa magkahalo ang babae at lalake na pasahero. Hindi dahil sa umaasa ako na may magpapaupo sa akin--dahil kaya ko pa naman tumayo at ibalanse ang katawan ko sa tuwing dumadaan sa kurbadang linya ang tren, hindi rin dahil gusto kong mag pa tsansing kundi yun kasi ang pinakamalapit na pinto sa pagbaba ko sa Gil Puyat Station..

Umandar na ang tren..

Paghinto sa Doroteo Jose Station, bumaba ang isang nakaupong lalaki kung saan ako ang nakatayo sa may tapat niya. Tulad nang nabanggit ko kanina, hindi ako sabik umupo, pero dahil ako ang nasa tapat nang nabakanteng upuan, gusto ko na din umupo. Bago pa ako makabuwelo, may isang nagkukumahog na Aleng di kapayatan ang nagsabing “hay salamat kanina pa ako nakatayo, salamat at makakupo na rin”. Sabay upo.

Hayaan nyo’ng isalarawan ko muna ang Aleng nabanggit. Payat, naka sleeveless, naka to-kong na uso ngayon (pero di ko na napansin ang kulay sa sobrang tuwa ko sa kanya), may belt bag na di ko alam kung marami bang laman na pera o listahan ng pautang kasi kung susumahin mo ang pagmumukha nya, mukha siyang naniningil ng pautang sa palengke.

“Paalala sa lahat ng mga pasahero: Ingatan lang po natin ang ating mga dala-dalang gamit, at ang magnetic card na gagamitin natin sa paglabas ng tren, iwasan din po nating sandalan ang magkabilang pintuan ng tren, maraming salamat magandang umaga”

Kapag narinig mo na sinabi ‘yan ng piloto ng tren (malaki, matinis o paos man ang boses nila), ibig sabihin lang n’yan nakaalis na ang tren sa Central Terminal at papunta na sa United Nations.

Napatingin ang lahat sa nabanggit na Ale, at kahit hindi ako magsalita o magpaliwanag, malinaw ang intensyon ng Ale—ang sumingit. Hindi ko na ito masyadong ininda pa, bagkus itinuon ko ang sarili ko sa pagbabasa ng mga Berso sa Metro na makikita sa banding itaas ng tren.

“Todo pasa y todo queda, pero lo nuestro es pasar, pasar hacienda caminos, caminos sobre la mar..”

Habang bumabyahe ang tren na sinasakyan ko (at nang singiterang Ale), doon ko naisip na isalarawan ang iba’t ibang klase ng pasaherong sumasakay at bumaba ng LRT. Maaring isa ka sa mga ito, pero wala akong intensyong manakit ng damdamin (bwahaha)

Heto ang aking listahan:

Makati boys and girls passengers

Pagsasalarawan: Sila yung karaniwang naka long sleeves, neck tie at mga nakaback pack ang ilan (kapag lalaki) at naka palda na may magandang long sleeves na para bang sa concierge ng hotel nagtatrabaho (kapag babae). Kapag kasabay mo sila sa tren ay parang ayaw mo dumikit sa kanila dahil hindi mo alam baka magalit sila kapag nadikitan mo at nagusot ang kanilang damit o ikaw mismo sa sarili mo ang ayaw dumikit sa kanila dahil sa amoy pawis ka na (hahaha)

Minsan naman nagtatrabaho ang ilan sa kanila sa malalaking kumpanya ng airlines, cargo forwarding, software at iba pang mga IT industries, mga bangko, multinationalompanies at marami pang iba. Aakalain mo minsan na sa Makati sila nagtatrabaho lahat dahil ang impresyon ng karamihan kapag todo postura, pomada at tuck-in ka, sa Makati ang workplace mo kahit na sa Macapagal Avenue ang opisina mo.

We’ve got it all for you / Happy to serve passengers

Pagsasalarawan: Sila naman yung mga empleyado nang kumpanya ni Tito Henry Sy na SM Department Store, Hypermarket at Supermarket. Sila din ang madalas kong nakakasabay dahil parehong mga alas diyes ang pasok namin, at yung iba nga ay kasabay ko pa sa multi cab na kadalasang kulay orange at green (na pag-aari ng isang opisyal ng Pasay) papunta sa pinakamalaking mall daw sa Asya.

Kapag babae kadalasan nakauniporme na sila pero bitbit nila ang plastic bag o paper bag na naglalaman ng kanilang mga sandals dahil sila ay madalas makitang nagsusuot ng tinatawag na rubber sandals, orig man o peke, kadalasang may brand ang mga ito na planet, banana peel, toeberries, ticket, mixstar, beachwalk, at syempre may tatalo pa ba sa crocs (crocs kapag original, croc kapag peke) at havaianas (havianas minsan). Kapag maliit ang babae, yung may takong ang suot nila na madalas puti brown at itim ang kulay, at kahit alam mong ngawit na ngawit na sila eh postura pa din sila sa pagtayo at paglakad..

Yung mga lalaki ordinaryo lang naman dahil ang pagkakaalam ko pwede naman sila pumasok ng naka uniform, wag lang sila papasok ng naka hubo’t hubad dahil ibang usapan na yan. Kadalasang may mga dala itong mga pouch bag at masakit ito sa mata dahil alam mong pinilit nilang pagkasyahin ang mga gamit nila para isang bitbitan na lang.

Quiapo and Baclaran day passengers

Pagsasalarawan: Sila yung madalas na makikita mong nakasuot ng damit na kulay maroon na may mukha ng Nazareno, o di kaya’y may nakasabit na bimpo sa balikat, at hindi mo na kailangan pang tanungin kung saan sila bababa, pwera lang kung hindi mo alam kung saang istasyon malapit ang Quiapo church.

Makikita mo naman yung mga deboto ng Baclaran church na madalas may dalang maliliit na bag na may novena at pamaypay, at minsan, lalaki man o babae, mapapansin mo na hindi sila nauubusan ng kwento tungkol sa kanilang trabaho, kapitbahay at ulam na iniwan nila sa kanilang pamilya bago sila magsimba sa kadahilanang mamimili pa ito ng mga daster at tela dahil mas mura dun kaysa DKNY (Divisoria Kanto Ng Ylaya).

Dahil mas mabilis makarating sa pupuntahan kapag nag LRT, mas marami ang pasahero tuwing miyerkules at biyernes. Minsan matutuwa ka dahil sa mga panahong ito marami pa din pala ang may taimtim na pananampalataya sa Itaas, pero kapag may nakatabi ka nang isang pamilya na apat ang anak na may mga edad na apat, lima, anim at pito (imbento ko lang ang mag edad na nabanggit) na lahat ay gustong dumungaw sa bintana ng LRT lalo na bago dumating ng United Nations Station, minsan gusto mo na lang din na mawalan sila ng pananampalataya.

Estudyante

Pagsasalarawan: Halata mong estudyante ang kasakay mo dahil karamihan sa kanila ay naka uniporme, maliban na lamang kung sa PUP ito nag-aaral at walang uniporme ang kurso nila (tulad namin). Kadalasang bumababa ang mga ito sa Doroteo Jose Station para maglakwartsa, este para pumunta sa kanilang mga sintang paaralan dahil ito ang pinaka malapit na istasyon sa university belt na nasa recto. Masyadong madaming pamantasan ang nandito para banggitin ko sa kwentong ito.

Mayroon din namang mga bumababa sa Central Terminal, sila yung mga estudyante ng Mapua Institute of Technology, Lyceum of the Philippines, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Manila Science Highschool (ngek). At siyempre pwede ba nating makalimutan ang Universidad de Manila na katabing katabi lamang ng istasyong nabanggit na pilit ipinagawa ng dating alkalde ng Maynila na madalas nakasuot ng bulaklakin (isa pang clue: palagi siyang nakasuporta kay people’s champ Manny Pacquiao). Madalas mo ding makikita ang mag estudyante dito na pabalik balik sa SM Manila at nagkalat sa liwasang malapit sa pamantasang nabanggit.

Bandang Pedro Gil naman bumababa ang mga estudyante ng Philippine Christian University at St. Paul University, na madalas mong makikitang namamasyal sa Robinson’s Place Ermita sa Malate. Christian school man, may mga katoliko din naman na nag-aaral sa PCU, at Catholic School man ang St. Paul, wala talagang nag-aaral na iba ang relihiyon dito.

Sa Vito Cruz naman bumababa ang mga alta sosyedad (pero hindi naman lahat) na estudyante ng Dela Salle University at DLSU-College of St. Benilde (hindi ko alam yung isang eskwelahan na all-girls school ata). Wala akong maisip na pagsasalarawan sa mga eskwelahang nabanggit bukod sa doon daw nag-aral sa DLSU si Luis Manzano at sa College of St. Benilde naman si Victor Basa. Kapag papunta ka sa Baclaran makikita mo ang football field ng DLSU na ginagamit din na CAT field pag Sabado. Dito rin bumababa ang mga pumupunta sa Philippine Sports Commission upang manood ng mga laro o kaya yung mga gustong pilayan ang mga sarili mapatunayan lamang na sila ay sportsminded..

Iba’t ibang klase sila ng mga estudyante, may mga simple lang, rakista, emo, punk at yung mukhang nagka cutting classes lang. May matalino, hindi masyadong matalino at hindi din naman bobo. Iba iba man sila, isang bagay lang ang kanilang pagkakapareha, sila ‘daw’ ang pag-asa ng ating bayan, pero sa ngayon nag-iinvest muna para sa kanilang pag-aaral ang kanilang mga magulang (at nagwawaldas naman ang iba ng iniinvest ng kanilang magulang)

Ordinaryong empleyado

Bukod sa mga unang nabanggit, may mga iba pang empleyado na madalas mag LRT, at isa ako sa mga yun. Hindi man kilala ang mga kumpanya nila, pero madalas sila ang mga taong nagpapaubaya ng upuan sa LRT at nagpapasingit (hahaha). At siyempre hindi naman ito angkop sa lahat ng pasahero, isa pa, hindi ka din naman inoobligang magpaupo sa LRT lalo na kapag ang lahi mo ay walang ligtas sa varicose veins.

Ordinaryong empleyado, ordinaryong tao.. at minsan sila din yun mga pasaherong na sa sobrang simple ay lumalagpas ng istasyon na bababaan dahil hindi nila kayang mambalya ng mga pasaherong nakaharang sa pinto na kahit sa Monumento pa sila bababa at nasa Tayuman pa lang, nakabungad na sila sa may pintuan.


..to be continued po ito, masyado nang mahaba at masakit na sa mata..hanggang sa muling pagsakay at pagbaba sa LRT..